Nanganganib mawalan ng trabaho ang mga Filipino sa Middle East bunsod ng patuloy na pagbulusok ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market at lumalalang hidwaan ng Iran at Saudi Arabia.
Ayon kay Emmanuel Geslani, isang recruitment at migration expert, ang patuloy na pagbulusok ng presyo ng krudo ay maaaring magresulta sa pagbaba ng bilang mga job opening sa Gitnang Silangan partikular sa Saudi Arabia.
Dapat anyang maghanda na ang gobyerno ng Pilipinas sa posibleng paglala ng sitwasyon sa Middle East.
Maging ang mga seafarer aniya ay naramdaman ang epekto matapos magsara at itigil ang operasyon ng ilang off-shore rigs at oil tankers kaya’t nabawasan din ang suweldo ng mga OFW.
Base sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), tinatayang 1.4 na milyong Filipino ang nagtatrabaho o naninirahan sa Middle East.
By Drew Nacino