Binalaan ng embahada ng Pilipinas sa Thailand ang mga Pilipino kaugnay sa human trafficking sa mga bansang sakop ng Mekong region kabilang ang Laos at Myanmar.
Kasunod na rin ito ng mga natatanggap na sumbong ng embahada ng bansa hinggil sa mga nabibiktima ng human trafficking kaya’t dapat maging mapanuri at mag-ingat ang publiko sa online post at advertisement hinggil sa mga trabaho sa Thailand partikular sa Facebook.
Nagkalat anila sa social media sites ang mga kahina hinalang job recruiters o employers kabilang na ang transnational organized crime syndicates.
Partikular na inaalok na trabaho sa Thailand, ayon sa embahada ay customer service representatives, subalit ginagamit sa mga ilegal na gawain ang mga aplikante kaya’t mas mabuting i-check muna sa POEA ang anumang job vacancy sa ibayong dagat.