Pinag-aaralan pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung dapat magpalabas ng babala laban sa mga nais bumiyahe patungo ng Thailand.
Inihayag ito ni Assistant Secretary Charles Jose, Spokesman ng Department of Foreign Affairs (DFA) makaraang magkaroon ng pagsabog sa Erawan Shrine sa Bangkok Thailand kung saan mahigit sa 20 katao ang nasawi.
Ayon kay Jose, maaaring ituloy ng mga Pilipino ang mga nakatakdang biyahe sa Thailand basta iwasan na lamang muna ang mga matataong lugar.
Samantala, patuloy rin nilang bineberipika ang ulat na mayroong Pinoy na nasawi sa pagsabog.
Sinabi ni Jose na posibleng marami ang turistang nadamay sa pagsabog dahil isa sa mga pinapasyalang lugar sa Bangkok ang Erawan Shrine.
Una rito sa report ng CNN o Cable News Network, kinumpirma ng Chinese Embassy sa Bangkok na 3 chinese nationals na bumiyahe ng Thailand mula sa Pilipinas ang kasama sa mga nasawi samantalang 15 iba pa ang nasugatan.
“Mag-ingat po at mag-take ng extra precautionary measure, pansamantala iwasan po muna itong area na ito, I think ang target po yata ayon sa mga ulat, foreigners po, para sirain ang tourism ng Bangkok, pansamantala ay mag-ingat po muna sila.” Pahayag ni Jose.
By Len Aguirre | Ratsada Balita