Pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Filipinong nasa Tripoli sa Libya.
Kasunod anila ito ng muling pag-usbong ng armadong labanan at patuloy na pagdami ng puwersa ng militar sa katimugang distrito ng Tripoli.
Sa abiso ni Philippine Ambassador to Tripoli Mardomel Medicor, pinapayuhan ang nasa 1,800 Filipino sa Tripoli na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan at iwasan munang magtungo sa mga pampublikong lugar.
Kanila ring pinaghahanda ang mga Filipino sa Tripoli sa posibilidad ng paglikas sa mas ligtas na mga lugar sakaling lumawak pa ang sagupaan doon.
Batay sa impormasyon ng embahada ng Pilipinas sa Tripoli, anim na ang naitalang nasawi at nasa 20 ang sugatan sa patuloy na labanan sa Tripoli simula noong Miyerkoles.
—-