Walang Pinoy ang nadamay sa suicide bombing sa Istanbul, Turkey.
Ayon sa Presidente ng Filipino Community sa Turkey na si Elma Trinidad, nananatiling mahigpit ngayon ang seguridad sa Istanbul matapos ang nangyaring karahasan.
Kanselado ang mga papaalis at patungong flights sa Ataturk airport habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Kasabay nito, pinapayuhan ang publiko sa Turkey na iwasan muna ang mga matataong lugar at maging alerto sa anumang oras.
Death toll
Samantala, umakyat na sa 36 ang patay sa nangyaring terror attack sa Istanbul airport sa Turkey.
Ayon kay Turkish Prime Minister Binali Yildirim, sumampa naman na sa mahigit 140 ang bilang ng mga nasugatan sa naturang paghahasik ng karahasan.
Naniniwala ang Punong Ministro ng Turkey na ang Islamic State of Iraq and Syria o ISIS ang nasa likod ng suicide bombing.
Ang istilo aniya ng pag-atake ay kahalintulad aniya ang ng nangyaring pag-atake sa Brussels, Belgium at Paris, France kung saan ay marami rin ang nasawi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, namaril muna ang tatlong armadong lalaki sa paliparan ng Istanbul bago tuluyang pinasabog ang kanilang mga sarili.
By Ralph Obina