Nagpapasaklolo na sa pamahalaan ang nasa 30 hanggang 50 mga Filipino sa Wuhan City, China na naipit sa ipinatutupad na lockdown doon bunsod ng novel coronavirus (2019-nCoV).
Ito ang inihayag ni senate committee on health Christopher Bong Go matapos makipagpulong sa mga opisyal ng Departments of Health (DOH) at foreign affairs hinggil sa sitwasyon ng mga Filipino sa Wuhan.
Gayunman aminado si Go na wala pang malinaw na hakbang ang pamahalaan kung maililikas pabalik ng Pilipinas ang mga nabanggit na Pinoy dahil kailangan pang hintayin ang aksyon at magiging tugon ng Chinese authorities.
Sinabi ni Go, nakahanda ang pamahalaan na magpadala ng eroplano sa Wuhan para sunduin ang mga Filipino doon pero problema aniya ay kung papayagan ng Chinese government na makalabas ang mga ito.
Dagdag ni Go, bagama’t batid nilang mapanganib ang sitwasyon ng mga Filipino sa Wuhan, kinakailangan pa ring ikunsidera ang magiging kalagayan naman ng mga Pinoy na posibleng makasalamuha nila pagbalik ng Pilipinas. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)