Patuloy na pinag-iingat ng Philippine Authorities ang mga Pilipino sa Zimbabwe matapos bumaba sa puwesto si President Robert Mugabe.
Ayon kay Honorary Vice Consul Donald Tulcidas ng Philippine Consulate sa Maputo, Mozambique, pinapayuhan nila ang mga Overseas Filipino Workers o OFW na manatili na lamang sa kanilang mga bahay at iwasan ang mga matataong lugar partikular ang mga lugar kung saan nagtitipon ang mga Zimbabwe nationals.
Sinabi ni Tulcidas na hindi nila matiyak ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong nasa Zimbabwe subalit karamihan sa mga ito ay nasa lungsod ng Harare.
Karamihan aniya ng mga Pinoy sa Zimbabwe ay nagtatrabaho sa minahan, resorts at iba pang tourism sites.
Ipinabatid ni Tulcidas na mula nang bumaba sa puwesto si Mugabe ay unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa nasabing bansa subalit mahigpit silang nakamonitor hanggang maging stable ang kalagayan dito.
—-