Tila nag-relax ang mga Pilipino sa pagsunod sa minimum health protocols.
Ito ang nakikitang dahilan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III kaya’t sumirit pa ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa partikular sa Metro Manila.
Sa kanyang personal observation, sinabi sa DWIZ ni Densing na sa Pasay City lamang ay nakita niya ang pag-uusap ng ilang tao ng walang mask.
‘Yung mga kababayan natin ay medyo nagre-relax doon sa ating minimum public health standards, pati ‘yung pagsusuot ng face mask, face shield, pagdidistansya, paghuhugas po ng kamay. Nauna ko itong nabanggit noong tumaas ang kaso sa Pasay, kasi kinumpara ko ‘yung December, January, na talagang nagpractice [ng minimum health standards] ang ating mga kababayan na taga-Pasay. At noong Pebrero, mga two, three weeks ago, talagang personal kong nakita na nag-uusap sila wala nang face mask, magkatabi, nagtatawanan, talsik-laway, so, medyo ang ating mga kababayan nag-relax sa pagpa-practice ng minimum public health standards,” ani Densing.
Kasabay nito, inamin ni Densing na maging ang local government units ay nag-relax din sa kanilang mga panuntunan kaya’t inatasan na rin nila ang mga ito na gumawa ng panuntunan para maparusahan ang mga lumalabag sa health protocols.
Nagpasa po kami ng direktiba na paigtingin ang ating mga LGUs sa pagbabantay ng pagpa-practice ng minimum health standards sa mga taong lalabas. Kaya nga nagpalabas kami ng direktiba na lahat ng LGUs, sana po, magpasa na ng ordinansa na nagpaparusa sa mga taong lumalabas nang hindi nagpa-practice nito. Ginagawa namin ang standard protocols, so, ito ang paulit-ulit na binabanggit ng ating mga health officials, ng mga local resident epidemiologist natin, na ang tanging paraan lang para hindi talaga kumalat ang virus ay pagpa-practice ng public health standards,” ani Densing. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais