Inilatag na ng transport groups ang kanilang mga plano bilang paghahanda sa new normal sa sektor ng transportasyon sa sandaling ilagay na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Ayon kay Efren De Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) ilan sa bagong sistemang ipatutupad nila ay ang pag upa ng pribadong lupa para pansamantalang gawing terminal ng kanilang mga miyembro.
Sinabi ni De Luna na bago pa naman pasakayin ng jeep papipilahin muna ang mga pasahero at duon na pagbabayarin para maiwasan ang pagpapaabot ng bayad sa mga kapwa pasahero at masunod din ang physical distancing.
Bukod dito ipinabatid ni De Luna na maglalagay din sila ng mga kahon at acetate wall sa kanilang mga jeep para hindi magdikit dikit ang mga pasahero.
Kasabay nito tiniyak ni De Luna na hindi na sila magtataas ng pasahe dahil nauunawaan nila ang hirap ng mga pilipino subalit hihingi na lamang sila ng ayuda mula sa gobyerno.