Sasampulan agad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga alagad ng Philippine National Police (PNP) at ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na magsasamantala sa kinakasang kampanya kontra sa iligal na sugal.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, tiyak na makatitikim ng galit ng Pangulo ang mga mahuhuling nagbibigay ng proteksyon sa mga gambling lord o kaya naman’y sangkot sa pangingikil.
Batid, aniya, ng mga Pilipino na hindi umaatras ang Presidente kapag nag-utos ito ng laban o kampanya tulad na lamang ng kanyang anti-illegal drug campaign.
Ilang beses na rin anyang nagbigay ng matinding babala si Pangulong Duterte sa mga taong gobyerno na kapag nahuli silang nangongotong o sangkot sa korapsyon, sila ang unang makakasuhan o tatanggalin sa pwesto.
Nauna nang inihayag ni Pangulong Duterte na nawalan na siya ng tiwala sa PNP at NBI kaya’t marapat lamang, aniya, na ipakita ng mga ito ang kanilang matapat na gagampanan ang kanilang tungkulin.
By Avee Devierte / Report from Aileen Taliping (Patrol 23)