Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga politikong masasangkot sa vote buying o pamimili ng boto sa gitna ng campaign period.
Ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, sa ilalim ng anti-vote buying task force na “kontra bigay” posibleng maharap sa pagkakakulong ng hanggang anim na taon ang isang kandidatong mahuhuli bumibili ng boto.
Bukod pa ito sa disqualification at iba pa pang offenses na kahaharapin ng isang kandidatong mapapatunayang sangkot sa vote-buying.
Sinabi ni Garcia na may kapangyarihan din ang kanilang ahensya na magtanggal ng mga mananalong local officials sakaling mahuling lumabag.
Sa ngayon, sanib-puwersa ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang na dito ang COMELEC, Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Public Attorney’s Office (PAO), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at Philippine National Police (PNP) sa pagtugis ng mga kandidatong bumibili ng boto. – sa panulat ni Angelica Doctolero