Maliban sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols kontra COVID-19, pinatututukan na rin ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nito ang paglaban sa krimen lalo na sa mga matataong lugar.
Ito ay matapos ibaba sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) gayundin ang pag-aalis sa general curfew dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon kung saan, binuksan na muli ang iba’t ibang pasyalan sa rehiyon.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, kaniya nang inatasan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na kumilos lalo’t inaasahan dagsa na ang publiko sa mga pasyalan ngayong papalapit na kapaskuhan.
Binilinan din niya ang mga yunit Commanders na makipag- ugnayan sa mga pamunuan ng mga mall hinggil sa latag ng seguridad at para matiyak na masusunod pa rin ang public health and safety standards kontra COVID-19 gayundin ang mga pag-iingat kontra kriminalidad.—sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)