Ipinag–utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipadala ang lahat ng available na portalet sa Metro Manila Patungong albay.
Ayon sa Pangulo, maraming mga bakwit na nananatili ngayon sa iba’t ibang mga evacuation center ang nangangailangan ng malinis na palikuran.
Giit pa ni Pangulong Rodrigo Duterte, dapat panatilihin ang maayos na hygiene at sanitation sa mga evacuee para hindi magkaroon ng outbreak ng iba’t ibang uri ng sakit.
Una nang inireport ni Albay Governor Al Francis Bichara ang kakulangan sa mga palikuran kung saan umaabot lamang aniya ito sa mahigit 1,000 na ginagamit naman ng nasa 20,000 residente.
Matatandaang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na mahigpit na nilang binabantayan ang kalusugan ng mga evacuee mula sa mga lugar na apektado nang pag aalburuto ng bulkang Mayon.
Sinabi sa DWIZ ni NDRRMC Spokesperson Mina Marasigan na mahigit tatlong libong (3,000) evacuees ang nagpa-konsulta sa problema sa respiratory tract infection partikular dahil sa epekto ng ash fall mula sa Mayon Volcano.
Mayroon naman aniyang health workers sa mga evacuation center para tugunan ang pangangailangang medikal sa mga simpleng sakit ng mga evacuee.