Nagsimula nang umaligid sa Partido Liberal ang mga nangangarap na makasama sa senatorial lineup ng para sa 2016 synchronized elections.
Sa event na tinawag na “A Gathering of Friends” sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan kung saan inendorso ni Pangulong Noynoy Aquino si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa 2016 Presidential elections, naispatan sina Justice Secretary Leila de Lima, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino at TESDA Director-General Joel Villanueva.
Dumalo rin ang nangangarap na makasama sa lineup na si Pasig City Representative Roman Romulo at ang asawang si dating Valenzuela Councilor Shalani Soledad.
Awtomatiko nang pasok sa lineup ang mga re-electionist na sina Senate President Franklin Drilon at Senator Ralph Recto gayundin si dating senador at ngayon ay Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization (PAFSAM) Sec. Francis Pangilinan.
Kung magiging partner ng LP sa darating na halalan ang Nacionalista Party (NP), malamang na ipasok din sa lineup ang anak ni dating Senate President Manny Villar na si Las Piñas Representative Mark Villar at Taguig Representative Lino Cayetano.
By Mariboy Ysibido