Limang matataas na opisyal ng Philippine National Police ang maaaring pumalit kay Director General Ronald Dela Rosa bilang PNP chief.
Sa 2018 Philippine Military Academy Alumni Homecoming sa Baguio City, tinukoy ni Dela Rosa sina Deputy Dir. Gen. Ramon Apolinario ng PMA class 1985; Deputy Dir. Gen. Archie Gamboa ng Class 1986; Deputy chief for Operations-Deputy Dir. Gen. Fernando Mendez ng class 1986; Director for Operations-Dir. Camilo Cascolan at National Capital Region Police Office Chief, Dir. Oscar Albayalde.
Ayon kay Bato, “eligible” na maging hepe ng PNP ang lahat ng 3-star, 2-star hanggang 1-star General pero wala pa siyang partikular na pangalang maaaring i-endorso kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Anya, nais lamang niyang matiyak na kahit kanyang “Mistah” ang ieendorso ay hindi ito papalpak kapag nasa pinakamataas na pwesto sa pambansang pulisya upang hindi masisisi ng pangulo bandang huli.
Noong Disyembre sana magreretiro sa PNP si Dela Rosa subalit pinalawig ng pangulo ang kanyang termino ng dalawa hanggang tatlong buwan bago italaga sa Bureau of Corrections.