Pagbabawalan ng Department of Energy (DOE) ang mga power generation plants sa buong bansa na magsagawa ng maintenance shutdown sa darating na tag-init.
Ayon kay DOE Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan, bahagi ito ng kanilang mga hakbang para matiyak na magiging sapat ang suplay ng kuryente ngayong summer.
Gayundin, ang maiwasang makaranas ng malawakang power outage ang malaking bahagi ng bansa.
Sinabi ni Marasigan, kanilang aatasan ang mga kritikal na planta na magsagawa ng preventive maintenance bago sumapit o matapos ang tag-init.
Dagdag ni Marasigan, tanging ang mga hydroelectric power plants lamang ang papayagang magsagawa ng maintenance shutdown dahil mababa rin naman ang suplay ng tubig na kinakailangan sa operasyon nito.