Malaya ang sinuman o alinmang grupo na dumulog sa Korte Suprema para kuwestyunin ang pinaigting na parusa laban sa mga ospital na tatangging tumanggap ng mga pasyenteng walang pang-deposito lalo na kung emergency o malubha ang sitwasyon ng mga ito.
Pahayag ito ng Malacañang kasunod ng plano ng Private Hospitals Association of the Philippines o PHAP na kuwestyunin sa Korte Suprema ang nilagdaang Anti-Hospital Deposit Law ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi kokontrahin ng Palasyo ang anumang aksyon ng mga may-ari ng pribadong ospital sa halip, kanilang ipauubaya ang usapin sa tamang tanggapan.
Sa ilalim ng inamiyendahang batas, maaaring makulong ng dalawa hanggang anim na taon at pagmultahin ng aabot sa Isang Milyong Piso ang mga may-ari ng ospital o klinika na hindi tatanggap ng mga pasyente o hihingan ng deposito.
By Jaymark Dagala | (Ulat ni Aileen Taliping)