Dapat nang i-adopt ng mga pribadong unibersidad na gumagamit pa rin ng lumang academic calendar ang bagong schedule nang pagbubukas ng klase sa Agosto sa gitna na rin ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Prospero De Vera ay para magamit ang mga buwan ng Mayo at Hunyo sa paghahanda sa flexible learning system na ipatutupad na rin sa buong academic year.
Sinabi ni De Vera na ang flexible learning ay nangangahulugang ang mga estudyante ay gagamit nang pinagsamang online, offline, residential at non residential school work depende sa internet connectivity ng mga estudyante, guro at higher education institutions (HEI)’s.
Ipinabatid ni De Vera na naabisuhan na nila ang mahigit tatlong daang state universities and colleges na planuhin na sa buwang ito at sa susunod na buwan ang pagpapatupad ng flexible learning system.