Hinimok ni House Assistant Majority Floorleader at ACT-CIS Representative Niña Taduran ang private media networks na magpalabas ng mga educational show.
Ayon kay Taduran batay sa Broadcast Code of 2007 ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) obligasyon ng media members na lumikha at magpalabas ng mga programang pambata at educational programs bilang tulong na rin sa distance learning ng pamahalaan.
Sa ilalim ng nasabing code 15% ng mga programa sa radyo at telebisyon ay dapat na para sa mga bata lalot responsibilidad ng TV at radio stations na isulong ang mental, physical, social at emotional development ng mga kabataan sa pamamagitan ng kanilang mga palatuntunan.
Partikular na isinusulong ni Taduran sa lahat ng radio at television stations ang pagpapalabas muli ng mga programang pambata na makakatulong sa pagpapalawak ng kanilang bokabularyo, kaalaman at pagsusulong ng kagandang asal.
Hinikayat din ni Taduran ang media networks na makipag tulungan sa Department of Education (DepEd) sa posibleng production ng mga bagong educational shows na makakatulong sa mga estudyante.