Namemeligrong maubos ang mga guro mula sa mga pribadong paaralan sa sandaling ipatupad na ang Salary Standardization Law o SSL-4.
Ito’y dahil sa tiyak na magsisipaglipatan ang mga guro sa mga pampublikong paaralan dahil sa mas mataas na pasuweldo.
Ayon kay Rene San Andres, Executive Director ng Catholic Educational Association of the Philippines o CEAP, pinakamatinding tatamaan ng panibagong umento sa sahod ang mga mission at parochial schools sa bansa.
Aniya, mahihirapan silang pigilan ang pangingibang bakod ng ilang guro dahil sa hindi kayang tapatan ng pribadong mga paaralan ang pasahod ng gobyerno.
Dagdag pasakit pa aniya ito dahil sa kasalukuyan pa silang naghahanda para sa senior high school o grade 11 na siyang sasalo sa mga graduate ng grade 10 ngayong Marso at Abril.
Batay sa nilagdaang executive order ni Pangulong Noynoy Aquino sa SSL-4, aabot sa mahigit P19,000 ang matatanggap na sahod ng isang guro na nasa antas na teacher 1 dahil nakapailalim ito sa salary grade 11.
By Jaymark Dagala