Tiniyak ng Department of Foreign Affairs na maingat nilang isinasaayos ang mga problemang kinakaharap ng mga Filipino sa Sabah at iba pang bahagi ng Malaysia.
Ito’y makaraang mapaulat na may ilang Pinoy ang may problema sa pag-update ng kanilang travel at work permit documents na kailangan sa ilalim ng Malaysian Law.
Magugunitang lumabas sa ulat na nangangamba ang mga Pinoy na ma-stranded sa Sabah kung hindi palalawigin ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur ang Consular Mission Services nito ng isang linggo.
Ayon kay Raul Dado, Executive Director for DFA-Office of Migrant Workers Affairs, isang team mula sa embahada ang bumisita sa Sabah subalit limitado lamang ang travel document application slots sa 180, noong Pebrero 23.
Patuloy anya ang pakikipag-tulungan ng DFA-Manila sa Philippine Embassy sa Kuala Lumpur, Malaysia upang matutukan ang issue.
Nasa 620,000 ang mga Filipino sa Malaysia kung saan kabilang sa mga inisyuhan ng travel documents ang 900 Pinoy sa Tawau at 1,600 sa sandakan.
Posted by: Robert Eugenio