Mahigit sa 5 trilyong dolyar na halaga ng ibinibiyaheng mga produkto mula sa iba’t ibang mga bansa sa Asya ang nanganganib kung hindi mapipigilan ang reclamation na isinasagawa ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Department of National Defense (DND) Spokesman Peter Galvez, ito ang dahilan kaya’t naalarma na rin ang Association of Southeast Asia Nations o ASEAN kabilang na ang Japan at Amerika sa pagmamatigas ng China na ipagpatuloy ang ginagawa nilang reclamation sa Philippine Sea.
Binigyang diin ni Galvez na mapuputol ang kalayaan sa paglalayag at kalayaan sa paglipad sa himpapawid sa sandaling makapagtayo ng military facility sa West Philippine Sea ang China.
“Andaming barko at eroplano ang dumadaan diyan, ‘pag nakita nila ‘yung mapa diyan, at lahat po ‘yan dumadaan sa lugar na ‘yan, at isipin niyo po pag nagkaroon na sila ng mga building diyan ng mga kung ano-ano, eh lahat na lang puwede nilang sabihan na oh umikot kayo, hindi puwede ‘yan, wala nang freedom diyan parang may toll fee na ngayon diyan, ‘yung biyahe mas mamahal, mas tatagal.” Ani Galvez.
Dahil dito, sinabi ni Galvez na mahalagang hindi maputol ang pagbibigay ng impormasyon sa mga ginagawa ng China sa West Philippine Sea.
Importante aniyang malaman ng lahat lalo na ng mga karatig nating bansa ang implikasyon ng pagkakaroon ng pasilidad pang militar ng China sa West Philippine Sea gayung hindi naman nila ito pag-aari.
“Paano ‘pag nag-declare pa sila diba? kaya importante talaga na naikukuwento natin lahat ‘yan, na naipapakita natin sa buong mundo ‘yan ang implikasyon ng mga ginagawang reclamation na ‘yan, island building at militarization sa dagat.” Paliwanag ni Galvez.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit