Maaari nang makabalik sa merkado ang mga produktong karneng baboy ng kumpanyang Mekeni Food Corporation.
Ito ay matapos makakuha na ng endorsement ang Mekeni mula sa Food and Drug Administration (FDA) para muling mai-distribute at maibenta ang kanilang mga produkto.
Tiniyak sa inilabas clearance ng FDA at resulta ng pagsusuri ng Standard Global Services (SGS) na 100% negatibo mula sa African Swine Fever (ASF) virus ang lahat ng ipalalabas na pork-based products ng Mekeni sa merkado
Gayundin ang mga pasilidad, kagamitan at ginagamit na raw meat materials ng kumpanya.
Magugunitang, kusang binawi ng Mekeni sa merkado ang lahat ng kanilang produktong karneng baboy habang hinihintay ang opisyal na resulta ng pagsusuring isinagawa ng Sgs at Bureau of Animal Industry (BAI) sa mga ito noong Oktubre.
Ito ay makaraan namang kumpirmahin ng Department of Agriculture na ilang produkto ng Mekeni ang nagpositibo sa ASF virus partikular ang hotdog at skinless longaniza.