Kukumpiskahin ng DTI o Department of Trade and Industry ang lahat ng mga produktong hindi gagamit sa bagong ICC o Import Commodity Clearance sticker na ilalabas ng DTI sa susunod na linggo.
Ayon kay Undersecretary Victorio Dimagiba, Spokesman ng DTI, nabigyan na ng sapat na abiso ang industriyang umaangkat ng mga produkto sa ibang bansa para tanggalin sa merkado ang mga luma nilang produkto at muli itong isumite sa DTI para sa certification process at mapalitan ng bagong ICC.
Sinabi ni Dimagiba na ang bagong ICC sticker na kanilang ilalabas ay hindi basta-basta mapepeke dahil gawa ito ng National Printing Office, may ispesyal na papel at may serial number kaya’t puwedeng i-trace ang may-ari ng produkto.
“Kinukuha po namin yan at hindi na yan sinusoli sa kanila, sinisira po yan, yun po ang pinaka-effective na parusa sa mga negosyante na hindi susunod sa ICC stickers na yan, pangalawa po ay may multa din.” Ani Dimagiba.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit