Palalakasin pa ng Department of Education (DepEd) ang mga programa nito na tumutugon sa mental health issues ng mga mag-aaral, maging ang pagpapaigting ng security measures sa mga paaralan kasunod ng mga naiulat na on-campus violence.
Ayon sa DepEd, makikipag-ugnayan sila sa mga mental health experts at advocates sa pagbuo ng mga programa upang matugunan ang nasabing isyu.
Inatasan na rin ni Vice President at Education secretary Sara Duterte ang mga Regional at Schools Division Offices na makipag-ugnayan sa mga local police sa pagtukoy sa mga paaralan na kinakailangan ng spot inspection ng mga armas.
Kasunod ito ng insidente nitong Huwebes sa Benito Nieto Elementary School sa San Jose Del Monte, Bulacan kung saan aksidenteng nabaril ng isang 12-anyos na estudyante ang kaniyang sarili.
Noong nakaraang linggo naman ay nasawi ang isang 13-anyos na estudyante sa Culiat High School sa Quezon City, matapos saksakin ng kanyang kamag-aral.