Ipinagbawal na sa Kamara ang pagsusuot ng damit na mayroong nakasulat na political message sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes.
Ang kautusan ay nakasaad sa Memorandum na ipinalabas ni House secretary General Mark Llandro Mendoza na may petsang July 20, 2022.
Batay sa panuntunan, kailangang ang lahat ng dadalo sa SONA, pisikal man o sa video conference platform ay dapat magsuot ng Barong Filipino para sa lalaki at Filipiniana para sa babae o naaayon bilang business attire.
Kailangan ding nasa loob na ng plenaryo ang mga dadalo dakong alas-3:30 ng hapon.
Ang cellphone, radio transceiver, at mga gadgets ay dapat nakapatay habang nasa loob ng plenary hall.
Bawal rin ang pagpapa-picture sa Rostrum ng plenaryo kahit tapos na ang SONA o nag-adjourn na ang joint session.
Bawal din ang pagdadala ng backpack, malalaking bag, inuming nakalata, o bottled water sa loob.