Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang kumalat na tarpaulin na nagsasaad na probinsya ng China ang Pilipinas.
Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt benigno Durana, inaalam na nila kung sino ang nasa likod ng iligal na paglalagay ng mga pulang tarpaulin.
Naniniwala si Durana na ang naglagay ng mga banner ay gustong ipahiya ang gobyerno dahil sa bumubuting relasyon ng Pilipinas at China.
Sinabi naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia, hindi maaring magsabit ng tarpaulin sa mga footbridge nang walang pahintulot mula sa kanila.
Aminado naman si Garcia na hindi nahagip ng CCTV camera ang mga nagkabit ng tarpaulin dahil hindi gumagalaw ang mga camera sa naturang mga footbridge.
Nakita ang mga nasabing mga tarpaulin sa footbridge sa Quezon Avenue, C-5 Road, Airport Road, Pasay Rotonda at Commonwealth.
—-