Pagbabawalan nang bumiyahe sa EDSA ang mga provincial bus simula Abril upang mabawasan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, kailangan nang bumaba ang mga pasahero sa integrated bus terminal sa Valenzuela at mula roon ay lilipat ng masasakyan patungo naman sa kanilang mga destinasyon sa mga lungsod.
Mula naman sa south, kailangan ding bumaba ang mga pasahero sa isa pang integrated terminal sa Santa Rosa, Laguna kung saan maaari silang lumipat ng bus.
Unti-unti namang isasara ang 46 na provincial bus terminals sa EDSA habang babakuran ang ilang bahagi nito maliban sa mga lugar na itinalagang loading at unloading bays.