Sinimulan nang busisiin ng Senate Committee on Public Services ang listahan ng mga proyektong isinumite ng Department of Transportation (DOTr) para solusyonan ang problema sa trapiko ng bansa.
Kabilang sa mga tinutukan ng komite ang pagbusisi kung saan magmumula ang pondong gagamitin para sa mga proyekto.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Finance Garry de Guzman, may mga proyektong napondohan na sa ilalim ng panukalang budget para sa 2017 tulad ng pagbili ng liscense cards na nagkakahalaga ng 470 milyong piso.
Para sa iba pang budget, humihingi anya ang DOTr ng supplemental budget na 19.1 billion sa ilalim ng hinihingi nilang emergency powers.
Mayroon anyang 19.7 billion na nakalagay na sa 2015 at 2016 budgets para sa mga tukoy nang proyekto samantalang 227 billion pa ang kailangang hati-hatiing ilalagay sa 2017 proposed national budget at sa mga budget para sa susunod pang mga taon.
Kabilang sa mga proyektong tinukoy ni De Guzman ang pagbili ng liscense plates, pagbili ng sariling plate making machines, bus rapid transit 1 and 2, integrated transport terminal sa coastal road at FTI, road networks at ang rail networks.
Work from home
Iminungkahi ng Department of Information and Communications Technology o DICT ang work from home bilang isang solusyon para maibsan ang masikip na daloy ng trapiko lalo na sa Metro Manila.
Inilatag ito sa Senate Committee on Public Services na dumidinig sa mungkahing bigyan ng emergency power ang Pangulong Rodrigo Duterte para solusyonan ang problema sa trapiko sa bansa.
Gayunman, aminado si DICT Undersecretary Eliseo Rio na hindi ito puwedeng gawin kung mananatiling mabagal ang internet sa bansa.
Hirap umano ang mga telecommunications companies na magtayo ng maraming cellsites dahil 25 lagda mula sa local government units ang kanilang nilang kunin.
Sinasabing aabot pa sa mahigit 60,000 cellsites ang kailangan upang magkaroon ng maayos na internet speed sa bansa.
By Len Aguirre | Cely Bueno (Patrol 19)