Tiniyak ni presidential candidate at dating senador Bongbong Marcos ang pagpapatayo ng karagdagang mga dialysis centers sa mga probinsya sakaling manalo sa pagkapangulo sa 2022 Elections upang mas maraming pilipino ang makinabang sa nabanggit na serbisyo.
Sa datos ng University of the Philippines hinggil sa COVID-19 at dialysis noong December 2020, isang pasyenteng may malubhang sakit sa bato ang namamatay kada oras.
Nasa 35,000 Pinoy din ang nagpapa-dialysis sa buong bansa at sa nakalipas na isang dekada ay tumataas ang bilang na ito ng 15% kada taon.
Ayon kay Marcos, dapat bigyang-pansin ang sitwasyon ng mga dialysis patients na kailangan pang bumiyahe nang malayo o mula probinsya patungong Metro Manila para lamang makapagpagamot.
Sa halip anya na ipambili ng gamot ay napupunta pa sa pamasahe ang malaking ginagastos ng mga pasyente kaya’t panahon na para ilapit sa kanila ang mga dialysis center.