Pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis at bumbero sa harap ng mga umano’y sablay ng mga ito sa pagtugon sa mga sitwasyon.
Batay sa inilabas na larawan ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go, isinagawa sa Presidential Guest House sa Panacan, Davao City ang naturang lecture ng Pangulo.
Dumalo sa nasabing lecture si Interior Undersecretary Eduardo Año, mga matataas na opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP), Davao City police at ang Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP – HPG).
Unang binigyang lecture ng Pangulo ang mga pamatay sunog hinggil sa 911 emergency responses kaugnay ng nangyaring sunog sa NCCC Mall sa Davao kung saan halos apatnapu (40) ang nasawi.
Gayunman, hindi na idinetalye pa ni Secretary Go ang naging paksa ng Pangulo sa mga pulis, subalit magugunita na nabatikos ang PNP dahil sa mistaken identity sa isang shooting incident sa Mandaluyong City kamakailan.