Bahagyang nagkagirian ang mga raliyista at anti-riot squad ng Manila Police District o MPD matapos magkaabot sa bahagi ng MH del Pilar Street panulukan ng UN Avenue sa Maynila.
Patungo sanang US Embassy ang mga naharang na raliyista upang magkilos-protesta kasabay ng pagdiriwang ng ika-241 Araw ng Kalayaan ng Estados Unidos at Phil-Am Friendship Day.
Sa kanilang isinagawang programa, sinabi ni Secretary General Renato Reyes na layon ng kanilang kilos protesta ang kalampagin ang administrasyong Duterte sa pagpayag nito na makialam ang Amerika sa pagsugpo ng terorismo sa Marawi City.
Giit ni Reyes, batay sa mga nakaraang karanasan, ang pagtulong ng Amerika ay may hatid na masamang resulta katulad na lang ng nangyari sa Libya, Syria at Iraq.
Aniya, naniniwala silang kayang masugpo ng militar ang terorismo sa bansa ng walang natatanggap na ayuda mula sa Estados Unidos.
Matapos ang kanilang programa ay nagtungo ang grupo sa Korte Suprema para magsagawa rin ng kilos protesta kaugnay ng nakatakdang paglalabas ng desisyun sa petisyon laban sa Martial Law.
By Krista de Dios | with report from Aya Yupangco (Patrol 5)
Mga pulis at raliyista nagkagirian sa Maynila was last modified: July 4th, 2017 by DWIZ 882