Nagsumite na ng kanilang mga kontra-salaysay sa Department of Justice ang mga Pulis-Caloocan na nahaharap sa kasong pagpatay sa binatilyong si Kian Loyd Delos Santos.
Sina Police Officer 3 Arnel Oares, Police Officers 1 Jeremias Pereda at Jerwin Cruz ay naghain ng joint counter affidavit, habang hiwalay na kontra salaysay ang inihain ni Chief Insp. Amor Cerillo.
Personal na pinanumpaan ng mga respondent ang kanilang mga counter-affidavit sa harap ng panel of prosecutor ng D.O.J. sa pagdalo sa preliminary investigation kahapon na dinaluhan din ng mga magulang ni Kian at ni Public Attorneys Office Chief, Atty. Percida Acosta na abugado ng pamilya Delos Santos.
Bukod sa kasong murder ay nahaharap sa reklamong paglabag sa Article 128 ng Revised Penal Code o Violation of Domicile dahil sa pagpasok sa bahay ng mga Delos Santos ng mga respondent nang walang search warrant kabilang ang paglabag sa Section 29 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na tumutukoy sa planting of evidence.
Una nang iginiit ng mga respondent na pulis na si Kian ay napatay sa isang lehitimong anti-drug operation.
Samantala, itinakda naman ng piskalya ang susunod na pagdinig sa October 2 at 9 para sa paghahain ng N.B.I. at ng kampo ng pamilya Delos Santos ng reply affidavit at rejoinder para sa panig ng mga pulis.
Ulat ni Bert Mozo
SMW: RPE