Nakapuwesto na ang mga tauhan ng Quezon City Police Distrtict (QCPD) katuwang ang mga tauhan mula sa Task Force Disiplina ng Lokal na Pamahalaan at Metro Manila Development Authority (MMDA) bilang force multipliers.
Ito’y para magbantay at ipatupad ang minimum health and safety protocols kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga rallyista ngayong huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Partikular na tinututukan ng mga awtoridad ang bahagi ng Eliptical road kung saan, inaasahang magtitipon-tipon ang mga rallyista patungong UP Diliman campus.
Alas-9 ng umaga, magsisimula ang mga programa ng mga militante sa UP Diliman bago sila tuluyang magmartsa patungong St. Peter’s Church sa Commonwealth Ave. alas onse ng umaga mamaya.
Maliban dito, naglatag na rin ng checkpoint ang mga Pulis sa Batasan – San Mateo road para sa mga sasakyang papasok patungong Batasang Pambansa.
Batay sa pagtaya ng PNP, nasa humigit kumulang 10,000 rallyista ang inaasahang daragsa sa bahagi ng Quezon City para isagawa ang pisikal na kilos protesta kaugnay ng huling SONA ng pangulo.
Una nang tiniyak ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Sec/Gen. Renato Reyes na magiging maayos at mapayapa ang gagawin nilang kilos protesta nang may pagsunod sa minimum health protocols laban sa COVID-19. —ulat Jaymark Dagala (Patrol 9)