Mga pulis, handang gumanap bilang contact tracer sa harap ng banta ng Delta variant
Siniguro ng Philippine National Police (PNP) ang kahandaan nito sakaling kailanganin ng pamahalaan ng mga karagdagang contact tracers sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa harap ng banta ng Delta variant ng COVID-19.
Ayon kay Eleazar, sapat ang kanilang mga tauhan na sumailalim sa masusing pagsasanay para maging contact tracers lalo’t may aktibong kaso pa rin ng naturang variant.
Kasunod nito ay nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Department of the Interior and Local Government (DILG) gayundin sa health department para matukoy kung ilang contact tracers ang kanilang kakailanganin.
Magugunitang, pinaghahanda ni Eleazar ang kanyang mga tauhan sa ‘worst case scenario’ habang patuloy naman siyang umaapela sa publiko na sumunod sa pa rin sa umiiral na health protocols kontra COVID-19.