Inirereklamo ng mga pulis na nakatalaga bilang frontliners sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis ang nabawasang hazard pay nila.
Sa social media accounts ng ilang mga pulis, kanilang inilahad ang sama ng loob matapos na makatanggap lamang ng P235.00 na hazard pay.
Mas mababa anila sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na P500.00 kada araw na hazard pay para sa lahat ng mga frontliners.
Iginiit ng mga pulis, tig-P500.00 ang natatanggap na hazard pay ng mga miyembro ng iba pang law enforcement agencies tulad ng AFP, BJMP at BFP.
Batay sa ipinalabas na fiscal directive 2020-11 ni PNP Directorate for Comptrollership Brig. General Marni Marcos, napagdesisyunan anito ang P235.00 kada araw na hazard pay ng mga pulis dahil ito lamang kaya ng budget ng PNP.
Samantala, nangako ang pamunuan ng PNP na sila ay maglalabas ng pahayag at paglilinaw hinggil sa bagay na ito.
Ulat ni Jaymark Dagala (9)