Isang buwang ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang full alert status sa lahat ng istasyon ng pulis sa Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na 100,600 pulis ang ipinakalat nila sa buong bansa.
Kumpiyansa aniya sila na magiging matiwasay ang idaraos na eleksyon sa darating na Lunes.
Ayon kay Mayor, matagal na nilang nailatag ang security structure para sa eleksyon at hinihintay na lamang nila ang tamang araw para ito ay maipatupad.
Kabilang sa mga ginagawa ngayon ng PNP para matiyak ang isang mapayapang halalan ay ang tuloy-tuloy na pagmonitor sa presensya ng mga threat group na maaaring magsagawa ng pananabotahe sa halalan.
Nilinaw naman ng PNP official na hanggang sa ngayon ay wala silang natatanggap na anumang banta sa halalan lalo na dito sa Metro Manila.
NCR
Ipinakalat na sa iba’t ibang panig ng Metro Manila ang mga miyembro ng joint task force NCR bilang paghahahanda sa pagdaraos ng halalan sa Lunes.
Ayon kay NCRPO Chief Police Director Joel Pagdilao, binubo ang joint task force NCR ng mga pulis mula sa NCRPO, AFP, at PNP Special Action Force na magbabantay sa 5 police districts sa kalakhang Maynila sa Mayo 9.
Naka-standby naman aniya sa kanilang mga kampo ang iba pa nilang pwersa bilang augmentation sakaling kailanganin.
Tiniyak ni Pagdilao na handa sa kanilang magiging trabaho ang mga kasapi ng task force na dumaan aniya sa masusing pag-eensayo para sa eleksyon.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal (Patrol 31)