Makatatanggap ng year-end bonus at cash gift ang mga tauhan ng Philippine National Police ngayong taon.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, mahigit P8 bilyong pondo ang inilaan para sa christmas bonus ng kanilang mga tauhan sa ilalim ng appropriations programmed fund ng 2021 budget ng PNP.
Sa pahayag ni PNP Finance Service Director, P/BGen. Jose Nartatez Jr., makukuha ng mga pulis ang kanilang bonus sa pamamagitan ng Landbank account kung saan, epektibo na ito simula pa kahapon, Nobyembre a-disi-otso.
Nabatid na ang nasabing cash gift ay katumbas ng isang buwang sweldo ng mga pulis habang pro-rated naman ang kanilang cash gift sa P5,000 pero nakadepende parin ito sa guidelines ng PNP Fiscal Directive.
Samantala, nilinaw naman ni Carlos na ang mga year-end bonus at iba pang bonuses kabilang na ang mid-year bonus na lagpas na sa siyam napung libong piso ay papatawan ng karampatang buwis sa ilalim ng train law.
Hindi naman makakatanggap ng kanilang year-end bonus at cash gift ang mga pulis na may kinahaharap na mga kasong administratibo.