Napatunayang hindi Extra-Judicial Killing ang sinapit ng isang binatilyo sa kamay ng mga pulis na nagkasa ng isang anti-illegal drug operation sa Biñan, Laguna noong Hunyo.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar matapos i-abswelto ng Internal Affairs Service (IAS) ang sampung pulis na sangkot sa operasyon.
Magugunitang napatay ng mga pulis ang kilabot na drug suspek na si Antonio Dalit gayundin ang kasama nitong si Jhohndy Maglinte Helis, 16 anyos matapos silang makipagpalitan ng putok sa mga pulis.
Giit ng pamilya ng mga biktima, walang kalaban-laban umanong binaril hanggang sa mapatay ng mga pulis ang dalawa, bagay na pinabulaanan naman sa resulta ng imbestigasyon.
Binigyang diin pa ng PNP Chief na simple ang panuntunan niya sa mga pulis, katiguhin ang mga abusado at pabaya na mga pulis habang parangalan at ipagtanggol naman ang mga pulis na gumaganap sa kanilang mandato. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)