Umabot na sa walumpu’t limang (85) pulis ang inirekomenda ng PNP – IAS o Philippine National Police International Affairs Service na sibakin sa serbisyo.
Ito ay simula nang mag-umpisa ang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, mahigit apatnalibong (4,000) mga kaso na mula July 2016 hanggang April 2018 ang kanilang inimbestigahan.
Siyamnaraan at tatlumpu’t tatlo (933) sa mga nasabing kaso ang sumailalim na sa summary hearings, mahigit tatlong daan (300) ang naresolba na at mahigit animnaraang (600) kaso ang pending.
Dagdag ni Triambulo, karamihan sa kanilang mga iniimbestigahan ay kasong administratibo laban sa mga pulis na nagkaroon ng paglabag habang nagsasagawa ng anti-illegal drug operations.
Samantala, kabilang naman aniya sa walumpu’t limang mga pulis na kanilang inirekomendang sibakin ang tatlong police officers na sangkot sa kasong pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.
—-