Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga grupong magkakasa ng kilos protesta ngayong araw na tiyaking mapayapa at ligtas ang kanilang pagkilos.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar kasunod ng huling State of the Nation Address (SONA) ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Eleazar, nakiusap na siya sa mga militante na isaalang-alang pa rin ang kapakanan ng kanilang hanay mula sa banta ng terrorismo gayundin sa Delta variant ng COVID-19.
Kasunod nito, inatasan din ng PNP Chief ang nasa 15,000 mga pulis na ipinakalat para sa SONA na manatiling mahinahon, pairalin ang maximum tolerance at tiyaking nasusunod pa rin ang health and safety standards tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pagpapanatili sa physical distancing.
Hinimok din ni Eleazar ang iba’t ibang grupo na iyong mga bakunado na kontra COVID-19 na lamang ang padaluhin at huwag nang magsama ng mga bata, nakatatanda at iyong may karamdaman.
Sa kabila ng apela ng PNP na gawing virtual na lamang ang mga ikakasang programa ngayong huling SONA ng Punong Ehekutibo, inaasahan pa ring daragsa ang mga rallyista sa harap ng St. Peter’s Church sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. —ulat Jaymark Dagala (Patrol 9)