Kumpiyansa si dating Criminal Investigation and Detection Group Director (CIDG) ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong na kakanta na ang ilan sa mga pulis na kabilang sa mga tinaguriang ninja cops.
Sila ang mga dating tauhan ng noo’y Pampanga Provincial Police Office Director at dati ring PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na sangkot sa recycling ng iligal na droga sa ikinasang operasyon sa Mexico, Pampanga noong 2013.
Sa panayam ng DWIZ kay Magalong, sinabi nito na marami pang hindi alam ang publiko hinggil sa partisipasyon ni Albayalde sa kontrobersyal na operasyon gayundin ang ginawang pagpapabaya nito sa mga pulis na napatunayan nang nagkasala.
Magugunitang inirekumenda ng senate blue ribbon and justice committees na sampahan ng kaso si Albayalde ng katiwalian at negligence dahil sa hindi nito pag-aksyon sa kaniyang mga dating tauhan.
Meron pa tayong hindi alam, na hanggang ngayon nakatago pa rin, lalong-lalo na yung kanyang talagang partisipasyon doon sa operation kasi nakapagtataka, bakit despite the fact na alam na niya na merong kamalian eh naging Chief PNP ka na, nalaman mo na may nangyari, alam mo na may pagkakamali, napakalaki ng pagkakamali. It almost cost you your career, it cost your relief, pati promotion mo pero bakit hindi ka pa rin galit, eh obvious na obvious na nga na may pagkakamali,” ani Magalong.
Kasunod nito, hinimok ni Magalong ang grupo ni P/Maj. Rodney Baloyo na ngayong iniwan na sila ng kanilang dating hepe, panahon na aniya ngayon upang magsalita para ipagtanggol ang kani-kanilang mga sarili. — sa panayam ng Usapang Senado.