Malaking dagok para sa mga miyembro ng terroristang grupong Dawlah Islamiyah ang pagkakaresto ng mga awtoridad sa kanilang bomb expert na si Ali Akbar.
Ito ang binigyang diin ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar matapos papurihan nito ang mga pulis na kasama sa operasyon para sa pagkakadakip kay Akbar.
Nitong Lunes, Hunyo 21 nang maaresto ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya si Akbar sa Purok Tres, Brgy. East Patadon sa Kidapawan City sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong murder at frustrated murder.
Nakuha mula kay Akbar ang iba’t ibang pampasabog, isang blasting cap, mga sangkap sa paggawa ng bomba at isang watawat ng isis.
Si Akbar ang nasa likod ng pagpapasabog at panununog sa dalawang yunit ng yellow bus line sa Cotabato noong Enero 27 at Hunyo 3 na ikinasawi ng lima at ikinasugat ng anim.
Nananatili namang naka-alerto ang mga pulis sa Cotabato at mga karatig lalawigan nito sa posibleng pag-atake ng mga bandido bilang paghihiganti sa pagkakaaresto ng kanilang kasama.