Hindi na intresado ang pamilya na drug suspek na si Antonio Dalit alyas Tala na magsampa ng reklamo laban sa mga tauhan ng Laguna Police na nakapatay sa kanilang ka-anak.
Ito’y ayon kay Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar batay sa impormasyon mula sa binuong Fact-finding Investigation Task Group ng Police Regional Office 4A o CALABARZON PNP.
Ayon kay Eleazar, ini-atras na ng kapatid ni Dalit na si Lydia ang reklamo laban sa mga pulis at naniniwala silang nanlaban si Antonio na kilalang tulak ng ipinagbabawal na gamut sa kanilang lugar.
Samantala, humiling naman ng karagdagang panahon si Christina Helis, ina ng 16 anyos na si Jhondi Maglinte Helis para makapaghain ng kaso laban sa mga Pulis pagkatapos mailibing ng binatilyo sa Hulyo a-primero.
Batay sa resulta ng autopsy report ng Regional Crime Laboratory sa CALABARZON, walang nakitang anumang bakas ng posas sa katawan nila Dalit at Helis maliban sa tama ng bala ng baril.
Kasalukuyan nang nakarestrictive custody ang sampung miyembro ng Police Intellegence Unit ng Laguna na siyang nag-operate sa Biñan noong Hunyo a-diesi sais na ipinag harap ng kasong administratibo kasama na ang hepe nito na si P/LtCol. Alvin Aveliino dahil naman sa Command Responsibility.