Iwaksi ang katiwalian, panatilihin ang pagiging marangal, malinis at maipagmamalaking mga tagapagpatupad ng batas.
Ito ang hamon ni Philippine National Police (PNP) chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-122 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas kahapon.
Kasunod nito, sumaludo rin ang buong hanay ng PNP sa lahat ng nagsisilbing frontliners na humaharap sa giyera kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kaniyang talumpati, binigyang diin ni Gamboa na dapat bigyang pugay at pagkilala araw-araw ang ibinabahaging sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ng mga pulis at ng iba pang frontliners, matiyak lang na malayo at ligtas mula sa virus ang mga Pilipino.
Nananalig din si Gamboa na dahil sa pagtutulungan at pakikiisa ng lahat, sama-samang mapagtatagumpayan ng sambayanan ang digmaan sa kalabang hindi nakikita lalo na kung sumusunod lang ang lahat sa mga ipinatutupad na minimum health standards.