Hinimok ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Brig. General Debold Sinas ang publiko na kuhanan ng larawan ang mga pulis na mahuhuling naglalaro ng golf o makikitang pumasok ng golf course na may dalang golf bag.
Kasunod na rin ito ng anunsiyo ni PNP Chief General Archie Gamboa na may tatlong police officials sa Central Visayas ang sinabak sa puwesto matapos mahuling naglalaro ng golf sa kasagsagan ng office hours.
Ayon kay Sinas, malinaw ang naging kautusan ng kanilang PNP Chief na bawal ang paglalaro ng golf ng mga pulis tuwing weekdays.
Awtomatiko rin aniyang mare-relieved sa trabaho ang mga makukuhanan ng larawan habang lumalabag sa kautusan ni Gamboa sa mga pulis.
Una nang sinabi ni Gamboa na nakauubos lamang sa oras ng mga pulis ang paglalaro ng golf na dapat aniya ay ginagamit ng mga ito sa pagtatrabaho.