Nagbabala si Philippine National Police (PNP) Chief Rodolfo Azurin Jr. sa mga pulis na masasangkot sa pagpapaputok ng baril ngayong nalalapit ang Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay Azurin, mawawalan ng pribilehiyo ang sinumang miyembro ng kapulisan na masasangkot sa naturang gawain.
Maliban dito, matatanggal din sila sa serbisyo na nangangahulugang mawawala rin ang kanilang mga benepisyo.
Aniya, kung may madamay man sa kanilang walang habas na pagpapaputok ng baril ay tiyak na pananagutin sa batas.
Una nang sinabi ng PNP Chief na hindi nila ipatutupad ang paglalagay ng selyo o busal sa mga baril.
Tiwala naman umano si Azurin na hindi aabusuhin ng mga pulis ang paggamit ng kanilang mga armas ngayong Holiday season.