Maliban sa operasyon laban sa iligal na droga, ginagamit na rin ngayon ng Philippine National Police ang kanilang body-worn cameras sa pagbabantay ng sitwasyon ngayong naka-Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, kasama sa mga ioinakalat sa mga border ng Metro Manila ang mga pulis na nabigyan na ng body camera noong Mayo na nakatalaga sa National Capital Region Police Office.
Paliwanag nya, malaking bilang ng mga tao ang nakakasalamuha ng mga pulis sa checkpoint araw araw mula nang ibalik ang ECQ noong August 6.
Magsisilbi umano ang body-worn cameras na paalala sa mga pulis para maging magalang sa lahat ng oras at para na rin sa kanilang proteksyon sakaling magkaroon ng alegasyon.
Pinagamit nya rin ito para masanay ang mga commanders sa aspeto ng command and control at iba pa nilang mga tauhan na naka-assign naman sa technical assistance.
Samantala, sinabi naman ni Eleazar na naka-set up ang kanilang Command Center sa Camp Crame na tumatanggao ng live video feeds ng body worn cameras.
Sa pamamagitan ng real-time videos na nakukuha sa iba’t-ibang borders ng Metro Manila kabilang ang traffic situations sa mga QCPs, natutulungan ang mga commanders para sa anumang security adjustments at mabilis din itong naipapaabot sa mga tauhan nilang nasa baba.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)