Pararangalan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na nagpakita ng tapang at seryosong kampanya kontra iligal na droga.
Nangunguna sa bibigyan ng special award si Chief Inspector Jovie Espenido ng Ozamis Philippine National Police (PNP) na nanguna sa pagsalakay sa tahanan ng tinaguriang druglord na si Mayor Reynaldo Parajinog kung saan 16 ang napatay kabilang ang alkalde.
Nagmarka rin ang pamamahala noon ni Espenido bilang hepe ng Albuera Leyte, kung saan alkalde ang napatay na si Mayor Rolando Espinosa.
Kabilang rin sa mga bibigyan ng parangal sina Director Oscar Albayalde ng PNP NCRPO, Chief Superintendent Aaron Aquino ng PNP Region 3 at Chief Superintendent Mao Aplasca ng PNP CALABARZON.
Samantala, bibigyan rin ng pagkilala ng Pangulong Duterte ang apat na miyembro ng SAF o Special Action Force na nakipaglaban sa mga terorista sa Marawi City.
Ang pamamahagi ng parangal ay isasabay sa pagdiriwang ng Police Service Anniversary na ginugunita tuwing ika-8 ng Agosto para gunitain ang pagkakatatag ng Philippine Constabulary noong Agosto 8, 1901.