Kakasuhan ng murder ang mga pulis na nakapatay kay Kian Loyd Delos Santos.
Ayon kay Atty. Percida Acosta, hepe ng PAO o Public Attorney’s Office, nagpasya silang murder ang isampang kaso matapos ang re-autopsy sa labi ni Kian.
Sinabi ni Acosta na batay sa paunang resulta ng otopsiya, may dalawang tama ng bala sa ulo si Kian at isang tila patraydor na tama sa likod.
Hawak na ngayon ng PAO ang mga basyo ng bala ng 38 baril, kalibre 45 at 9 mm na nakuha kung saan pinatay si Kian.
Bumisita rin ang PAO kasama ang mga tiga-NBI o National Bureau of Investigation sa crime scene.
‘War on drugs’ ng Duterte admin malinaw na giyera ito kontra sa mga mahihirap – UP
“Mugto ngunit mulat na ang mata ng masang Pilipino. Tatakbo, ‘di palayo kundi pasugod.”
Ito ang tema ng indignation rally ng iba’t ibang organisasyon sa University of the Philippines (UP) College of Law, bukas Agosto 22 bilang pagkundena sa pamamaraan ng Duterte administration sa paglaban sa iligal na droga.
Sa isang manifesto inilarawan nila ang ‘war on drugs’ na tila isang asong ulol na inaatake ang lahat ng kanyang makakasalubong.
Malinaw anilang giyera ito kontra sa mga mahihirap dahil ang mga mayayaman na akusado ng pagpupuslit ng bilyon-bilyong pisong halaga ng droga ay napapaharap sa imbestigasyon samantalang ang mahihirap ay sinesentensyahan na sa kalsada.
Ang manifesto kung saan nakasulat ang mga katagang, ‘Iputok mo tapos tumakas ka!’, ay nilagdaan ng organisasyon sa ilalim ng UP College of Law.